DOJ, tiniyak na patuloy na binabantayan ang child exploitation at human trafficking sa gitna ng pandemya

Tiniyak ng Department of Justice na binabantyan nila ang ulat ng child exploitation at human trafficking sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Sa naging budget briefing ng DOJ ay hiniling ni Gabriela Paty-list Representative Arlene Brosas ang talaan ng mga programa ng kagawaran hinggil sa pagkontra sa online child sexual abuse and exploitation.

Batay aniya kasi sa natatanggap nilang mga report at reklamo, ay tila tumaas ang naturang mga kaso ngayong panahon ng pandemya.

Sinabi ni Brosas na kahit pa nasa mga bahay lamang ang mga kabataan ay nasa bingit pa rin sila ng panganib at nabibiktima ng online sex trafficking at exploitation.

Tiniyak naman ni DOJ Undersecretary Emmeline Aglipay-Villar na ginagampanan ng kagawaran ang kanilang tungkulin upang ito ay mahinto.

Nakapagsagawa aniya sila ng serye ng rescue operations para sa mga bata na nagiging biktima ng child exploitation at human trafficking.

Sa ilalim ng 2021 budget ng DOJ, P1.1-milyon ang kanilang ilalaan para sa Special Protection of Children, P67.7-milyon para sa Anti-Trafficking in Persons Enforcement, at P23.4-milyon sa Anti-Cybercrime Enforcement.