DOJ Sec. Menardo Guevarra: Hindi makakaimpluwesya ang aking pagiging malapit sa Malacañang sa aking trabaho sa DOJ

Tuwirang sinabi ngayon ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi makakaimpluwensya sa kanyang trabaho sa Department of Justice ang kanyang pagiging malapit kay Executive Secretary Salvador Medialdea at sa Malacañang.
 
Ginawa ni Guevarra ang kanyang pahayag sa kanyang pagharap ngayon sa kanyang confirmation hearing sa Commission on Appointments kung saan kanyang binigyang katiyakan na hindi magkakaroon ng impluwensya sa kanyang trabaho ang kanyang pagiging malapit sa Malakanyang, partikular na sa pagdidesisyon sa mga kontrobersyal na mga kaso tulad ng drug case laban kay self-confessed drug dealer Kerwin Espinosa at ang kaso ng nakaditineng Senadora Leila de Lima.
 
Inamin ni Secretary Guevarra na siya’y malapit kay Executive Secretary Medialdea dahil sila’y naging magka-partner sa law practice ng mahigit 30 taon.
 
Dagdag pa ni Guevarra na maging ang Pangulong Duterte ay pinayuhan siya na sumunod lang sa batas sa kanyang pagpapatupad ng kanyang tungkulin bilang Justice secretary.
 
Samantala, kasalukuyang nasa caucus ang CA para talakayin ang ad-interim appointment ni Guevarra. | via Jojo Ismael