DOJ Sec. Menardo Guevarra, ayaw nang pansinin ang mga patutsada ni Senador Trillanes

Hindi na pinatulan ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra ang banat ni Senador Antonio Trillanes IV tungkol sa pagiging isa umano ng kalihim sa mga incompetent na opisyal ng administrasyong Duterte.

Sa isang text message, sinabi ni Guevarra na ayaw niyang pumatol sa mga ad hominem argument o mga personal na pag-atake.

Sinagot rin ni Guevarra ang sinabi ni Trillanes na hindi umano pinag-aaralan at nagsasaliksik nang maayos ang legal team ng Pangulo dahil matagal nang binasura ng Makati RTC ang lahat ng kanyang mga kaso.

Giit ni Guevarra na siyang nagsisilbing OIC ng gobyerno habang nasa official trip si Pangulong Duterte, hindi naman kasali ang DOJ sa komiteng nagrebyu sa amnesty ng senador.

Sinabi rin ng kalihim na bagama’t may ipinakitang video si Trillanes na nag-apply ito ng amnesty at inamin nito ang kanyang pagkakasala ay importante aniyang tukuyin ng senador ang mga pagkakasalang inaamin nito at hindi lang basta isang general statement ng pag-amin na may ginawa itong mali.

Maliban dito, sinabi ni Guevarra na inconsistent ang pag-amin ni Trillanes sa kasalanan nito sa ginagawa rin nitong public retraction. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion