DOJ Sec. Guevarra: Di makikinabang ang mga nakulong dahil sa heinous crimes sa amended IRR ng GCTA Law

Tiniyak mismo ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevara na hindi makikinabang ang dating Caluan Mayor Antonio Sanchez at iba pang sangkot sa heinous crimes o karumaldumal na krimen sa inamyendahang Implementing Rules and Regulation o IRR ng Republic Act 10592 o Good Conduct Time Allowance o GCTA Law.

Ito ay matapos pirmahan ni DOJ Sec. Guevarra at DILG Sec. Eduardo Año ang revised IRR ng nasabing batas ngayong araw.

Kumpiyansa si Guevarra, na mas magiging klaro ang implementasyon ng GCTA dahil a pinirmahang IRR.

Sa inamyendahang IRR, agad na nilinaw kung sino ang mga excluded o hindi dapat mabigyan ng credits o allowance na inmates.

Ayon kay Sec. Guevarra kabilang dito ang mga recidivist, mga escapees o tumakas na mga preso, mga inmates na maituturing na habitual deliquent.

Nilinaw na rin sa bagong IRR ang mga kaso na kabilang sa kategoryang heinous crimes.

Ayon pa kay Guevara, i-aaddopt ng binagong IRR ang listahan ng heinous crimes sa ilalim ng Death Penalty Law, gaya ng murder, rape, plunder, paricide at iba pang krimen na kaugnay sa droga

Gayunman, ang mga nagkasalang mga preso na nadiskwalipika sa GCTA, pero nakapiit na bago ipatupad ang nasabing batas noong 2013 ay mabibilang pa rin ang credits at allowances.

Sinabi naman ni Sec. Año, na magkakaroon pa ng paglalathala ng inamyendahang IRR sa mga pahayagan na mayroong general circulation at magkakabisa sa loob ng labing limang araw.