DOJ, magbubukas ng “operation center” para sa mas pinalakas na paglaban sa korapsyon

Bubuksan ng Department of Justice (DOJ) ang kanilang “operations center” na tatanggap ng mga sumbong at reklamo laban sa mga ahensya ng pamahalaan.

Ito ang kinumpirma ni Justice Secretary Menardo Guevarra, kaugnay sa binuong Task Force Against Corruption ng pamahalaan.

Ang itatayong operations center ay magsisilbing taga-tanggap, taga-sala, at taga-validate sa mga reklamo kaugnay ng mga iligal na aktibidad at transaksyon sa mga ahensya ng pamahalaan.

Layunin din ng Task Force na maimbestigahan at masampahan ng kaso ang mga sangkot sa korapsyon at pabilisin ang resolusyon sa mga pending cases sa DOJ.

Balak din ni Sec. Guevarra na bumuo ng “strike teams” na tututok sa mga ahensya ng gobyerno na target ng imbestigasyon.

Nauna nang inihayag ni Sec. Guevarra na uunahin nito ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Customs (BoC), Land Registration Authority (LRA) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).