DOJ, hinimok ng mga senador na pilitin ang pamilya Sanchez na bayaran ang bayad-pinsala sa pamilya Sarmenta, Gomez

Hinimok ng mga senador ang Department of Justice (DOJ) na pilitin ang pamilya ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez na bayaran ang P12.6 million pesos na bayad-danyos para sa pamilya ng biktima nitong sina Eileen Sarmenta at Allan Gomez.

Ang halagang ito ay kasama sa ipinag-utos ng korte noong mahatulan ng “guilty” ang dating alkalde sa pagpatay sa dalawang UP Los Baños students.

Ayon kay Senate Minority Leader Franklin Drilon, na siya ring Justice Secretary nang panahong hinatulan si Sanchez, dapat ipatupad ng DOJ ang Writ of Execution sa pamilya Sanchez bilang bahagi ng pagbibigay hustisya sa pamilya ng mga biktima.

Sinang-ayunan naman ito ni Justice Secretary Menardo Guevarra.

Gayunpaman, sinabi ni Guevarra na mayroong 10 years prescriptive period para sa pagpapatupad ng hatol.

Matagal na aniyang kinilusan ito ng mga nagdaang justice secretary dahil sa mayroon lang prescriptive period o sapat na panahon sa execution ng mga hatol.

Sinabi naman ni Drilon na mabuting mag-apply na lamang ng Writ of Execution sa korte at hayaan itong pagdesisyunan ng korte ang usapin.

Ang mahalaga aniya ay maipakita sa taumbayan na tapat ang pamahalaan sa pagbibigay ng hustisya.

Una dito, nanindigan ang pamilya Sanchez na wala silang intensyon na bayaran ang pamilya ng mga biktima dahil inosente ang dating alkalde.