DOJ, bumuo ng panel ng prosecutors na mag-iimbestiga sa ninja cops

Bumuo na ang Department of Justice (DOJ) ng bagong panel ng prosecutors na siyang magsasagawa ng preliminary investigation kaugnay sa mga tinaguriang ninja cops.

Sa inilabas na Department Order 528, inatasan DOJ Secretary Menardo Guevarra sina Senior Assistant State Prosecutor Alexander Suarez, Assistant State Prosecutor Josie Christina Dugay at State Prosecutor Gino Paolo Santiago, na agad magsagawa ng pagdinig at resolbahin ang kaso na inihain ng Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) laban kay Police Major Rodney Baloyo at mga tauhan nito sa loob ng tatlumpung araw at isumite ang anumang impormasyon sa kinauukulang korte.

Ito ay makaraang maisiwalat sa idinaos na pagdinig sa senado ang mga bagong ebidensya kaugnay sa tinaguriang mga ninja cop, na nakakumpiska umano ng 200 kilos ng shabu pero 38 kilos lang umano ang idineklara ng grupo nila Baloyo, sa isinagawang drug raid noong 2013 sa Pampanga.

Paglilinaw ni Secretary Guevarra, maaari pa naman kasing buksan muli ang kaso dahil nakabinbin pa ito sa Office of the Secretary dahil sa automatic review.

Samantala, kasalukuyan pa ring nakapiit si Baloyo New Bilibid Prisons (NBP) matapos ipina-contempt ng Senate Blue Ribbon Committe dahil sa magkakaibang pahayag.