DOH XI, nagpaalala sa lahat na alamin ang schedule ng 2nd dose ng COVID vaccine

Nagpaalala ngayon ang Department of Health (DOH) XI sa lahat ng nabakunahan kontra COVID-19, na dapat tandaan ang schedule ng kanilang pangalawang dose.

Sa isang virtual press conference, sinabi ni DOH XI Operations Head Dr. Raquel D. Montejo, na kailangan nilang alamin pagkatapos ng kanilang first dose ang susunod na schedule nito, para masiguro ang pagiging epektibo ng bakuna kung masusunod ng tama ang interval ng dalawang doses.

Ayon kay Montejo, na bawat brand ng bakuna ay may kanya-kanyang interval kung saan dapat itong masunod.

Pinaalalahanan din ng opisyal ang nga vaccinators, na ilagay sa vaccination cards ang schedule ng pangalawang dose, nang sa gayon ay malaman ng mga binakunahan kung kailan ito babalik.

Pero, nilinaw nito na pwede naman na may kaunting delay sa pagpapaturok sa ikalawang dose, basta hindi lang malipasan ng linggo mula sa araw ng nasabing schedule.

Dagdag ni Montejo, na importante sa ngayon na makumpleto ang dalawang dose ng bakuna bawat tao, para makamit ang inaasam na herd immunity.