DOH, walang problema sa pagpasok ng mga Chinese doctors sa bansa

Bukas ang Department of Health (DOH) sa tulong ng mga Chinese doctors kaugnay sa paglaban ng pamahalaan kontra COVID-19.

Ito ang sinabi ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire kaugnay sa pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) na papapasukin ang mga Chinese doctors dito sa bansa.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Usec Vergeire na sa katunayan, sila pa mismo ang sumulat sa ating embahada kaugnay sa request nila na kung maaari ay makapagpadala ng Chinese doctors sa Pilipinas.

Nais aniyang matuto ng DOH mula sa mga eksperto sa China, at kung maaari ay mabigyan tayo ng payo kaugnay sa mga ipinatutupad nating measures laban sa COVID-19.

Bukas aniya ang departamento sa expertise ng Chinese doctors, lalo’t nakita naman ng lahat kung paano nila napatigil ang pagkalat ng COVID sa kanilang bansa at kung papaano nila napigilang madagdagan ang nasawi dahil sa virus.