DOH, walang kinalaman sa isyu ng Pharmally — Sec. Duque

Binigyang diin ni Health Secretary Francisco Duque III na ang Department of Health (DOH) ay hindi sangkot sa kontrobersiyal na transaksyon sa Pharmally Corp.

Pahayag niya ito matapos na inilabas ng Senate Blue Ribbon Committee ang kanilang rekomendasyon sa pagdinig sa pandemic supplies deal, kung saan inirerekomenda nitong kasuhan si Duque ng plunder, graft, at iba pang kriminal at kasong administratibo.

Pinakakasuhan din ng panel ang ilang mga dating government official, at maging ang Pharmally executives na konektado sa multibilyong kontratang nakuha ng pharmaceutical company sa gobyerno.

Sinabi pa ng kalihim, na hihintayin niya ang karampatang aksyon ng tribunal at makikiisa siya sa nasabing proseso dahil wala naman aniya siyang tinatago.

Samantala, gusto rin panagutin ng panel sa paglabag sa Plunder Law sina dating presidential economic adviser Michael Yang, former Department of Budget and Management Procurement Service (PS-DBM) officer-in-charge Atty. Christopher Lloyd Lao, Overall Deputy Ombudsman Warren Rex Liong, Pharmally executives Linconn Ong, Mohit Dargani, Twinkle Dargani, Krizle Grace Mago, Huang Tzu Yen at Chinese businessman Lin Weixiong.