DOH, wala pang natatanggap na ulat sa nakaranas ng seryosong side effect matapos bakunahan ng Sputnik V

Wala pang natatanggap na ulat ang Department of Health (DOH), na mayroon nang nakaranas ng serious adverse effects makaraang simulan ang pagbabakuna kahapon, May 4, gamit ang Sputnik V o ang COVID-19 vaccine mula sa Russia.

Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni Health Usec. Myrna Cabotaje, Chairperson ng National COVID-19 Vaccination Operation Center, na katulad ng mga karaniwang side effects sa ibang bakuna ay ganito rin ang inaasahang posibleng epekto ng Sputnik V.

Kabilang na dito ay ang pamamaga ng braso na tinutukan ng bakuna, pananakit ng kasu-kasuan, at bahagyang lagnat.

Pinanananatili muna aniya sa monitoring facility ang mga nabakunahan, nang nasa 30 minuto hanggang isang oras upang maobserbahan ang mga ito.

Gayunpaman, sinabi ni Usec. Cabotaje, na sa ngayon ay wala naman silang natanggap na ulat na mayroon nang nakaranas ng matindi o seryosong side effect nito.

Aniya, binigyan nila ng limang araw ang mga lokal na pamahalaan upang tapusin ang pagbabakuna gamit ang Sputnik V.