DOH, target na doblehin ang bilang ng mga primary health care facilities sa buong bansa sa susunod na 20 taon

Kalahati sa mga Pilipino ang walang access sa malapit na primary care facility o mga pasilidad na maaaring marating sa loob ng 30 minuto ayon sa Department of Health (DOH). 

Ibinahagi ito ni ni Health Undersecretary Lilibeth David sa naging pagdinig ng Senate Committee on Health patungkol sa mga panukalang magdagdag ng health care facilities at specialty hospitals sa bansa.

Ayon kay David, base sa datos ay nasa 2,593 rural health units lang ang mayroon ngayon sa bansa. 
At sa ilalim ng Philippine Health Facility Development Plan 2020-2040, plano ng DOH na doblehin ang bilang na ito upang magkaroon na ng access sa primary care ang lahat ng mga Pilipino. 

Aminado ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang specialty hospitals gaya ng Philippine Lung Center, Philippine Heart Center, at National Kidney and Transplant Institute na malaking tulong ang pagkakaroon pa ng mas maraming specialty hospital at health care personnel sa buong bansa.