DOH, suportado ang kampanya ng isang civic organization kontra diabetes

Sinusuportahan ng Department of Health (DOH) ang Lions Club International-Quezon City chapter sa pagtaguyod nito na itaas ang kamulatan ng publiko upang maiwasan ang diabetes at kaakibat nitong kumplikasyon.

Kasabay ng paggunita ngayong araw sa World Diabetes Day, pinuri ni Health Undersecretary Rolando Enrique ang pagsisikap ng grupo, at sinabing malalabanan ang naturang sakit kung ang ibang sektor ay makikiisa sa gobyerno.

Aniya, makakaapekto ang diabetes sa ekonomiya ng bansa dahil karamihan sa mga meron nito ay nasa ‘working-age population.’

Ayon kay Lion’s Club District Chair Angelina Encarnacion, bumuo na sila ng five-year plan upang pataasin ang kamulatan ng publiko hinggil sa diabetes prevention.

Sumali na rin umano ang grupo sa ‘largest human blue circle’ sa Guinness Book of World Record, na may higit 2,000 kalahok sa Quezon Memorial Circle kaninang umaga.

Ang ‘blue circle’ aniya ay ang pandaigdigang simbolo para sa diabetes.

Ayon sa datos, may isang tao sa buong mundo ang namamatay mula sa nasabing sakit tuwing walong segundo, kung saan may mahigit 425 million diabetic patients sa iba’t ibang bansa.

Dito sa Pilipinas, 3.7 milyong katao ang diabetic at kalahati sa kanila ay hindi alam na meron sila nito.

Ayon pa sa Lion’s Club, ang Diabetes ang pang-anim na killer sa bansa. | ulat ni Ched Oliva