DOH Sec. Duque, isinumbong kay Pres. Duterte si PAO Chief Acosta na promotor umano sa vaccine scare

Inireklamo ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque kay Pangulong Rodrigo Duterte ang aniya’y takot na inihasik ni Public Affairs Office (PAO) Chief Percida Acosta kaugnay ng kontrobersiya sa Dengvaxia dahilan upang maapektuhan ang iba pang vaccine programs ng pamahalaan gaya ng measles vaccine.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, ginawa ni Duque ang pagsusumbong sa Presidente sa ginawang Cabinet Meeting sa Palasyo kagabi.

Ganunpaman, sinabi ni Panelo na wala namang naging sagot si Pangulong Duterte sa kung dapat papanagutin si Acosta sa low turn out ng vaccine program ng gobyerno gaya ng anti-measles vaccine dahilan upang may mga lugar nang naitalang may measles outbreak.

Direktiba lang aniya ng Presidente sa DOH chief, gumawa ng paraan para maalis ang pangamba ng mga tao sa mga vaccine programs ng gobyerno sa pamamagitan ng pagpapa-igting ng kanilang information dissemination.

Pero para kay Panelo, hindi maiaalis na naka-aggravate o nakadagdag sa paglala ng sitwasyon ang pagsasampa ng kaso laban kina DOH Duque at iba pang personalidad ng DOH.

Ganunpaman, karapatan aniya ito ni Acosta bilang abogada gayung nauunawaan naman nila ang trabaho nito bilang isang manananggol na ang hangad ay depensahan ang kanyang kliyente.  | ulat ni Alvin Baltazar