DOH, pinag-aaralan ang pagkakaroon ng kasunduan sa foreign governments

Isa sa mga kinokonsidera ng pamahalaan na paraan para mapaigsi ang quarantine period ng mga Pilipino at dayuhan na nabakunahan na sa ibang bansa ay ang pagpasok sa isang kasunduan sa foreign governments.

Sinabi ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na sa pamamagitan ng nasabing pamamaraan, makukumpirma kung totoong naka-kumpleto na ng COVID-19 vaccine sa ibang bansa ang mga papasok sa Pilipinas.

Sa ilalim kasi ng bagong guidelines ng COVID-19 Inter-Agency Task Force, lahat lamang ng mga nakakumpleto ng bakuna sa Pilipinas ang maisasa-alang alang sa 7 araw na quarantine kung papasok o lalabas ng bansa.

Pero nilinaw ni Usec. Vergeire na bago papasukin ang mga turista sa bansa ay ikokonsidera pa rin ang mga umiiral na community quarantine status at lawak ng vaccine coverage o bilang ng mga nabakunahan kontra COVID-19.