DOH, nilinaw ang usapin hinggil sa pag-aanunsyo ng brand ng COVID-19 vaccine

Nagpaliwanag ang Department of Health (DOH) tungkol sa isyu hinggil sa panawagan nito sa mga local government units na huwag nang ianunsyo ang mga brang ng bakuna na gagamitin sa kanilang mga vaccination sites.

Ayon sa DOH, lahat ng bakuna na may Emergency Use Authorization ay ligtas at epektibo.

Giit pa ng Health Department na lahat ng bakuna na ginagamit ngayon sa bansa ay napatunayan na nakakatulong na hindi makaranas ng severe illness ang isang COVID-19 patient at maiwasan ang pagkamatay sa oras na makumpleto ang tamang doses ng bakuna.

Dagdag pa ng DOH, ang hindi pag-anunsyo ng brand ng bakuna ay hindi nagtatanggal ng karapatan sa mga mababakunahan na tumanggi sa oras na hindi nila gusto ang bakuna na ituturok sa kanila.

Kabilang pa rin kasi sa proseso ng pagbabakuna ang on-site vaccine education kung saan mas magiging maalam ang pasyente hinggil sa bakunang ituturok sa kanya.