DOH, nilinaw ang isyu sa P1-B halaga ng bibilhing Remdesivir

Aminado ang Department of Health (DOH) na plinano ang pagbili ng COVID-19 medicine na Remdesivir at iba pang investigational drugs, bilang panlunas sa lumalaganap na coronavirus disease sa bansa.

Ngunit nilinaw ng DOH, na hindi natuloy ang balak na pagbili sa naturang gamot na nagkakahalaga ng P1 bilyong.

Sa press statement, sinabi ng DOH, na ito ay dahil walang
Certificate of Product Registration (CPR) o Emergency Use Authorization (EUA), na mahalagang requirement noong panahon na dapat ay bibili ang pamahalaan.

Ngunit sa kabila nito, inamin ng DOH, na ilang ospital ng ahensiya kasama rito ang specialty hospitals sa National Capital Region, Central Luzon at CALABARZON, ay nakakuha ng Compassionate Special Permits (CSP) na nagpapahintulot sa kanila, upang makabili ng investigational drugs kahit walang CPR o EUAs.

Kasabay nito, ay nagpaliwanag ang DOH, na ang patuloy na paggamit ng Remdesivir para sa COVID-19 patients ay suportado at may consensus ng 19 na medical societies, na nasusulat sa Philippine COVID-19 Living Recommendations.

Ang paglilinaw ay tugon ng DOH, sa pagpapatigil nina Representative Mike Defensor at Deputy House Speaker Lito Atienza, sa pagkuha o procurement ng Remdesivir na nagkakahalaga ng P1 bilyon.