DOH: Naipamahagi na halos 100% na supply ng bakuna sa bansa

Mahigit sa 98% ng supply ng bakuna kontra COVID-19 ang nai-distribute na sa ibat-ibang ospital at sa mga lokal na pamahalaan sa buong bansa.

Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, ilang doses pa ang naiwan na magsisilbing back-up o buffer-stock sakaling kailanganin ng mga LGUs.

Nilinaw pa ni Vergeire na ang bagong dumating sa bansa na 1 milyong doses ng Sinovac at 2 milyong doses ng Pfizer mula sa Covax-facility ay nakatakda na ring i-deploy sa lalong madaling panahon.

Ani Vergeire, nagkaroon ng pagka-antala sa supply ng bakuna sa ilang lugar sa bansa dahil na rin sa pagkaudlot sa pagdating ng supply noong Mayo.

Ngayong may mga bago ng supply ng bakuna ay maaari na muling simulan ng mga LGUs ang bakunahan.

Sa ngayon ay umaabot na sa mahigit 12 milyong doses ng COVID-19 vaccine ang binili at donasyon sa Pilipinas.