DOH, nagbigay ng paalaala ngayon UNDAS

Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang publiko na iwasan ang pagbili ng pagkain sa mga nagtitinda ng pagkain sa mga sementeryo, at sa halip ay magdala na lamang ng sariling pagkain upang maiwasan ang mga sakit na nakukuha mula sa mga kontaminadong pagkain, gaya ng diarrhea na maaaring makuha sa hindi malinis na pagkain at inumin.

Sinabihan din ng DOH ang mga nagbebenta ng pagkain, na panatiliin ang kalinisan sa paghahanda ng pagkain at sinabihan ang mga Lokal na Pamahalaan na bantayang mabuti ang mga nagtitinda.

Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, madalas na sanhi ng mga sakit mula sa mga kontaminadong pagkain ang hindi tamang pagluluto, pagtatago at paghahawak ng pagkain para sa pang-maramihan.

Ang mga naghahanda ng pagkain ay pinayuhan ng kalihim na siguraduhin na ligtas at malinis ang isisilbi nilang pagkain upang maiwasan ang pagkakasakit.

Dapat din planuhin ng publiko ang kanilang mga biyahe, magdala ng sariling tubig upang maiwasan ang dehydration, madala ng payong at paghandaan na ang dami ng taong bibiyahe sa mga lalawigan.

Ang mga motorista ay pinaalalahanan na huwag uminon ng nakakalasing kung magmamaneho at iwasan ang overloading para maiwasan ang aksidente.

Minungkahi ni Sec. Duque, na huwag na lamang dalhin ang mga sanggol at maliit na bata sa sementeryo, dahil ang mga bata ay mas madaling tamaan ng sakit.

Gayundin, kung maaari ay huwag nang pumunta ang mga senior citizens kung sila ay may sakit o walang makakasama.

Umaasa ang kalihim na magiging tahimik at disease-free ang UNDAS 2018.

Samantala, naka Code White Alert naman ang lahat ng DOH–retained hospitals at regional offices mula ika-30 Oktubre hangang ika-2 ng Nobyembre 2018.

On-call ang lahat ng kawani ng ospital sa kahit anong emergency, kasama ang DOH sa Health Emergency Management Bureau Operation Center (HEMB-OpCen) sa pakikipagtulungan ng Bureau of Fire Protection (BFP), Metro Manila Development Authority (MMDA) at Local Government Units (LGUs) na mag-momonitor ng mga kaganapan ngayong UNDAS.

Maaari ding makipag-ugnayan sa DOH Hotline sa (02) 711-1001 or (02) 711-1002. | ulat ni Janet Bayan