DOH, hinikayat ng isang senador na isapubliko ang accounting ng COVID-19 vaccine supply

Hinikayat ni Senador Francis Tolentino ang Department of Health (DOH) na isapubliko ang accounting nito ng COVID-19 vaccine supplies na nagamit na.

Ayon kay Tolentino, dapat maging transparent ang ahensya at isapubliko ang dami ng mga nabakunahan na ng first dose, second dose at balanse pa ng mga bakunang natitira.

Giit ng senador, bagamat naniniwala siyang bawat indibidwal ay may karapatan na pumili ng COVID-19 na tatanggapin, dapat pa ring magbigay ng update ang DOH kung anong mga bakuna ang natitira pa.

Aniya, makakatulong ang pagpapaalam sa publiko ng bilang ng mga available na COVID-19 vaccine at brands nito sa pagkakaroon ng informed decision ng bawat indibidwal.

Paliwanag ng mambabatas, sa hakbang na ito ay magiging malinaw sa publiko kung ilan pa ang natitirang mga bakuna at kung may pagkakataon pa bang makapamili ng brand.

Minungkahi rin ni Tolentino na isama ng DOH na ipaalam sa publiko kung anong mga bakuna ang malapit nang mag expire.