DOH, binigyan ng hanggang Huwebes, upang tingnan kung akma ba ang pinaiiral na protocol ng Cebu para sa mga inbound passengers nito

Inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Health (DOH) na i-critique o i-assess ang mga protocol na ipinatutupad ng Cebu local government unit (LGU) sa mga dumarating na biyahero o overseas Filipino workers (OFWs) doon.

Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque kasunod nang naging pulong ng pangulo at ni Cebu Governor Gwen Garcia kahapon, na tumagal ng dalawang oras.

Kung matatandaan, pagkalapag ng mga inbound passengers sa Cebu, agad silang ipinasasailalim sa COVID-19 test, at papayagan na mag-home quarantine.

Ngunit ang protocol na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) sa mga paliparan ay sa ika-7 araw dapat na isailalim sa PCR test ang mga dumarating sa bansa, at istriko ang facility-based quarantine.

Ayon kay Secretary Roque, binigyan ang DOH ng hanggang Huwebes, upang tignan at i-evaluate ang protocol na ipinatutupad ng Cebu, kung akma ba ito, o kung mayroong matututunan ang national government dito, lalo’t utos ni Pangulong Duterte na sundin ang mga polisiya na ipinatutupad ng gobyerno.