DOF, muling iginiit ang kahalagahan ng pag-amyenda sa CITIRA

Inilatag ng Department of Finance (DOF) ang kahalagahan ng Corporate Income Tax and Incentives Reform Act (CITIRA) o Trabaho Bill na isinusulong sa Kamara.

Sa ipinatawag na pulong ng House Committee on Ways and Means, inihayag ni Finance Under Secretary Karl Kendrick Chua na posibleng na-aabuso ng ilang kumpanya ang tax incentives na ipinagkakaloob ng pamahalaan.

Aniya noong 2017, umabot sa ₱441 billion na incetives ang ibinigay ng gobyerno sa  mahigit tatlong libong kumpanya.

Ngunit base sa kanilang pag-aaral, lumalabas na parehas lang ang ambag sa job creation at ekonomiya ng mga firm na binibigyan ng incentive at mga walang incentive.

Kaya aniya, sa tulong ng pagpapasa sa CITIRA o package 2 ng Trabaho Bill, ay maiiwasan na ang pang-aabuso ng mga kumpanya lalo’t sa bawat insentibo ay ang mamamayan ang pumapasan nito.

Ilan sa mga probisyon sa itinutulak na panukala ay ang gradual na pagpapababa sa corporate income tax rate mula 30 percent patungong 20 percent; gawing performance based ang pagbibigay ng incentives at magsagawa ng review kada dalawang taon; at gawing kada lima hanggang pitong taon ang validity ng application ng tax incentives.

Muling ipagpapatuloy ng komite ang pagdinig hinggil dito bukas.