DOE, hiniling sa Malacañang na bumuo ng isang oil contingency task force sa gitna ng nakaambang oil price hike

Plano ng Department of Energy (DOE) na hilingin sa Malacañang na maglabas ng Executive Order upang magkaroon ng isang Oil Contingency Task Force.

Isa ito sa mga nabanggit ni DOE Director Rino Abad sa pagdinig ng Senate Committee on Energy tungkol sa mga plano ng ahensya sa suplay ng ating produktong petrolyo kasunod na rin ng nangyaring pag-atake sa Saudi Arabian oil company, ARAMCO.

Pinangangambahan kasing magkakaroon ng malaking epekto sa presyo ng produktong petrolyo ang drone attack sa Saudi ARAMCO nitong September 17 lalo’t malaking porsyento ng ating crude oil supply ay mula sa naturang bansa.

Sinabi ng DOE na layon ng bubuuing task force na maglatag ng mga posibleng hakbang sakaling magkaroon ng hindi inaasahang pangyayaring makakaapekto sa ating suplay ng produktong petrolyo.

Ayon kay Abad, kakailanganin ng pirma ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbuo ng task force na ito dahil bubuuin ito ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng DOE, Department of Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), Department of National Defense (DND), Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Transportation (DOTr), Department of Foreign Affairs (DFA) at National Security Council (NSC).

Bukod sa task force, pinag-aaralan na rin aniya ng DOE ang posibleng pagsususpinde sa nakaambang pagtaas ng fuel excise tax sa susunod na taon.

Gayunpaman, bago ito maisagawa ay kailangang matupad muna ang mga kondisyong nakasaad sa TRAIN law.

Sa ngayon, binigyang-diin ng DOE na hindi gaanong malaki ang epekto ng Saudi Arabia attack sa presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa dahil mas mababa pa rin ang nakaambang pagtaas sa oil price hike bukas sa naitala nilang highest crude oil price hike nitong Abril.

Una nang inanunsyo ng mga oil companies na nakaambang tumaas ng P2.35 pesos per liter ang presyo ng gasolina mula bukas.

Inaasahan naman ng DOE na magbabalik normal na ang sitwasyon sa loob ng dalawang linggo kung wala nang hindi inaasahang insidente ang magaganap.

Samantala, sinabi naman ng DOTr at DTI na wala namang direktang epekto sa sektor ng transportasyon at presyo ng pangunahing suplay ang pag-atake sa Saudi ARAMCO.