DND, pormal nang kinansela ang kontrata sa Canadian supplier ng helicopters sa bisperas ng Valentine’s Day

Ipinadala na ng Department of National Defense (DND) sa Canadian supplier ang formal notice sa pagkansela ng 233 milyong dolyar na kontrata para sa 16 na Bell 412 helicopters na bibilhin sana ng Armed Forces of the Philippines (AFP), kahapon, bisperas ng Araw ng mga Puso.

Sa isang statement na inilabas ng DND, inanunsyo na ang pagkansela sa kontrata sa pagitan ng AFP at ng Canadian Commercial Corporation ay alinsunod sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang kautusan ng Pangulo ay naayon sa Government Procurement Law o Republic Act 9184 na nagpapahintulot ng contract termination kung kumbinyente sa pamahalaan.

Tinukoy na dahilan ng pagkansela ng kontrata ang pag-review ng Canadian government sa naturang kasunduan, matapos kuwestiyunin ang paggagamitan ng AFP sa mga helicopters.

Bagama’t ang mga combat-utility helicopters na bibilhin ay pangunahing gagamitin sa pagkarga ng personnel at supplies, binigyang-diin ng DND na walang obligasyon ang Pilipinas na magpaliwanag sa Canadian government sa isang “outright purchase” sa isang pribadong kumpanya.

Una nang sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana sa Canada na “none of their business” ang paggagamitan ng AFP sa mga helicoper.

Tiniyak naman ng DND na tuloy parin ang modernization program ng AFP at hahanap nalang sila ng ibang helicopters sa ibang bansa na pamalit sa Bell 412. | via Leo Sarne