DND, ipinaabot ang pagbati kay Lt. Gen. Benjamin Madrigal sa kanyang appointment bilang susunod na AFP Chief

Ipinaabot ng Department of National Defense (DND) One Defense Team, ang kanilang pagbati kay Lt. Gen. Benjamin Madrigal sa kanyang pagkakahirang bilang susunod na Armed Forces of the Philippines (AFP) chief.

Ito’y matapos na matanggap ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang liham na nilagdaan ng Pangulo kung saan nakasaad na aprubado na ang appointment ni Lt Gen. Benjamin Madrigal bilang susunod na pinuno ng AFP.

Ang pagtalaga ng Pangulo kay Madrigal bilang kapalit ni outgoing AFP Chief Gen. Carlito Galvez Jr. ay base sa pag-endorso ni Secretary Lorenzana at rekomendasyon ni Galvez at ng chairman ng Board of Generals (BOG).

Si Madrigal, na kasalukuyang commanding general ng Eastern Mindanao Command ay miyembro ng Philippine Military Academy “Sandiwa” Class of 1985, at pinaka-senior sa mga inirekomenda ng AFP BOG.

Tiniyak ng DND ang kanilang buong supporta kay Madrigal sa kanyang pag-assume ng posisyong babakantehin ni AFP Chief Galvez sa December 12.

Kasabay nito, pinasalamatan din ng DND si Galvez sa kanyang natatanging pamumuno at kahanga-hanggang serbisyo militar na nag-inspire ng propesyonalismo, pagmamahal sa bayan, at maayos na pamamahala sa AFP.  | ulat ni Leo Sarne