DND, ipinaabot ang kanilang pakikiramay sa pagkasawi ng isang sundalong Hapon sa bansa

Ipinaabot ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana ang pakikiramay ng DND sa pagkamatay ng isang sundalong Hapon, na kasama sa isinasagawang Kamandag exercises sa bansa.

Ang nasawing sundalong Hapon ay kinilalang si Sergeant Maehara Suguru ng Japan Ground Self Defense Force (JGSDF), na nasa bansa bilang observer sa isinasagawang US-RP Joint exercises.

Si Sgt. Suguru ay nasa isang “administrative mission” nang ang kanyang sasakyan ay sumalpok sa isang truck sa kahabaan ng Clark Subic Expressway noong October 2, 2018.

Ang kanyang sinasakyan ay minamaneho ng isang Pilipinong driver, sakay ang isa pang sundalong Hapon.

Ang driver at pangalawang pasahero ay sugatan din sa naturang aksidente pero nailabas na mula sa ospital. | ulat ni Leo Sarne