DND at AFP, makikipag-usap sa Senado para sa pag-turn over kay Sen. Trillanes

Makikipag-usap ang Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Senado para sa pag-turn over kay Senador Antonio Trillanes sa kustodiya ng militar.

Ito ang inihayag ni DND Spokesperson Arsenio Andolong, kasabay ng pagtiyak na hindi bibigyan ng special treatment ng Military Police (MP) si Sen. Antonio Trillanes sa oras na nasa kustodiya na nila ang senador.

Pero siniguro din ni Andolong na maayos ang magiging detention cell ni Trillanes sa AFP Custodial Center.

Sa ngayon ay bumubuo na raw ang AFP ng General Court Martial na lilitis sa kaso ni Trillanes na nahaharap sa kasong paglabag sa Articles of War 96 at 97.

Muli ring nandigan ang DND na hindi na kailangan ng Warrant of Arrest ang AFP para arestuhin ang senador matapos na ma-revoke ang amnesty nito.

Giit kasi ni Atty. Richard Rubin, ang chief ng Legal Affairs Service ng DND, hindi applicable kay Trillanes ang Arrest Warrant dahil ang kaso niya ay nasa hurisdiksyon ng Military Court Martial.  | ulat ni Leo Sarne