DJ ng isang FM station, na-bash online matapos maging viral ang reklamo ng nai-book nitong Grab driver; Paggawad ng Nobel Prize for Literature, kanselado ngayong taon

Umani ng pambabatikos mula sa netizens ang isa sa mga DJ ng kilalang local FM station sa bansa.

Ito’y matapos maging viral ang Facebook post ng Grab driver na nagrereklamo sa ugali ng naturang DJ nang maging pasahero niya ito.

Ayon sa Grab driver, bukod sa late ng anim na minuto, masyadong bossy ang DJ na nagtaas pa ng boses habang nagmamando kung saan dapat dumaan.

Ibinida pa daw nito na sikat siyang DJ at habang may kausap sa telepono, naririnig umano ng driver ang pagmumura nito sa kanya kasabay ng bantang iba-bash pa siya sa radyo.

Naglabas naman ng pahayag ang pamunuan ng radio station na nagsabing hindi nila pinapahintulutan ang masamang pag-uugali ng kanilang mga empleyado at tiniyak na magsasagawa sila ng imbestigasyon hinggil dito.

Sa ngayon wala pang inilalabas na komento ang sangkot na DJ.

Sa ibang balita, walang gagawaran ng parangal para Sa Nobel Prize for Literature ngayong taon.

Ito ang inanunsyo ng pamunuan ng Swedish Academy kasunod ng ilang kinasangkutang iskandalo hinggil sa alegasyon kaugnay ng sexual misconduct, financial malpractice at pauli-ulit na leakage.

Layon nitong  bigyan ng panahon ang institusyon na makabangon mula sa mga kinahaharap na kontrobersiya  upang maprotektahan ang reputasyon nito at maibalik ang tiwala ng publiko.

Dahil naman dito, inihayag ng pamunuan na dalawa ang paparangalan para sa naturang prestihiyosong award sa susunod na taon.  | via Eunice Garcia-Langcauon