Diwa ng Bataan, magsilbi sanang inspirasyon sa bawat Pilipino na labanan ang anumang banta sa kalayaan ng bansa — Pangulong Duterte

Hinimok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga Pilipino na protektahan ang kalayaan at labanan ang anumang banta sa soberenya ng Pilipinas.

Bahagi ito ng mensahe ng Pangulo para sa paggunita ngayon ng bansa sa 76th Araw ng Kagitingan.

Sa kanyang mensahe, sinabi ng Pangulong Duterte na patuloy pa rin ang mga pwersang nangmamaliit sa Pilipinas sa hindi pagrespeto sa mga institusyon at batas na kumakatawan sa hinahangad ng mga Pilipino.

Dahil dito, pinaalala ng Pangulo sa lahat ang obligasyong depensahan ang karangalan ng ating Inang-Bayan.

Nawa’y magsilbi aniyang inspirasyon sa bawat Pilipino ang diwa ng Bataan para labanan ang anumang paghamak sa ating dignidad at karapatan bilang isang malayang bansa.

Ginugunita ng Pilipinas ang Araw ng Kagitingan para alalahanin ang kabayanihan ng mga sundalong Pilipino at Amerikano na magkatuwang na nakipaglaban sa Bataan noong World War II.

Hindi naman makakadalo ang Pangulo sa anumang programa para sa 76th araw ng Kagitingan ngayong araw dahil nakatakda itong lumipad mamayang tanghali patungong China para sa isang official trip. | via Nimfa Mae Asuncion