Diumano’y pagdukot sa 2 BIR Revenue District officers, hindi pa berepikado – BIR

Itinuturing pa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na hindi pa berepikado ang napaulat na pagdukot ng kidnap for ransom syndicate sa dalawang revenue district officers na napaulat sa ilang pahayagan.

Sa isang statement na inilabas ng kagawaran, ang diumano’y pagdukot at ang halaga ng hinihinging ransom ay kaduda-duda at wala pang basehan sa ngayon.

Bagamat wala pang kumpirmasyon , nagsasagawa na ng imbestigasyon ang BIR sa nasabing insidente upang madetermina ang katotohanan ukol dito.

At makabuo ng kaukulang hakbang ang BIR kabilang ang pagpapatupad ng mga security measures para protektahan ang revenue officers.

Kaugnay nito umapela na rin sa publiko ang tax agency na iwasan muna ang anumang espekulasyon at gumawa ng konklusyon sa di berepikadong ulat at hayaan na lang ang BIR na magsagawa ng imbestigasyon ukol dito.  | ulat ni Rey Ferrer