Distribusyon ng ECQ ayuda sa Taguig City, aarangkada na

Sisimulan na rin ng lokal na pamahalaan ng Taguig ang pamamahagi ng financial assistance sa mga residenteng naapektuhan ng Enhanced Community Quarantine ngayong araw.

Inilathala na ng ilang barangay sa lungsod ang pangalan ng mga makatatanggap ng ayuda sa pamamagitan ng social media pages.

Isanlibong residente ng Barangay Fort Bonifacio ang mauunang bigyan ng cash assistance na gaganapin sa Gat Andres Bonifacio Elementary School upang masunod ang health protocols.

Pinapayuhan ang mga benepisiyaryo na magdala ng quarantine pass, vaccination registration QR code, at dalawang photocopies ng valid ID na magpapatunay na naninirahan sila sa Taguig.

Kailangan din ay mayroong suot na face mask at face shield, magdala ng sariling ballpen, at sumunod sa physical distancing.

Batay sa circular ng Department of Budget and Management, ₱723.9-million pesos ang inilaan para sa lungsod ng Taguig na ipamamahagi sa mga kwalipikadong beneficiaries.