Disposal ng healthcare waste, may sinusunod na protocol — IATF

Hinihiyakat ng Inter Agency Task Force (IATF) ang mga local government unti (LGU), na ipagpatuloy ang pagpapaigting ng kanilang kampanya sa proper waste management at segregation ng mga solid waste sa kanilang mga nasasakupan, sa gitna pa rin ng ginagawang laban ng bansa kontra coronavirus disease (COVID-19).

Ang pahayag na ito ni IATF Spokesperson Secretary Karlo Nograles, ay kasunod na rin ng mga concern sa disposal ng mga healthcare waste mula sa healthcare facilities, kabilang na dito iyong mga gamit na personal protective equipments (PPEs), at iba pang medical equipment.

Ayon kay Secretary Nograles, mayroong existing protocol sa ilalim ng infection control ng healthcare facilities sa kung papaano ang tamang paraan ng pagdi-dispose ng mga healthcare waste.

Nakasaad sa protocol, na lahat ng healthcare waste ay dapat na pre-treated o ginamitan ng chemical disinfectant tulad ng hypochlorite solution.

Bukod dito, ang mga pribadong ospital sa Metro Manila at urban area ay sini-serbisyuhan ng mga private waste treater, at disposal systems service providers.

Ang Department of Health (DOH) naman aniya, ay patuloy pa rin sa pagpapakalat ng impormasyon, lalo na sa mga field personnel kaugnay sa pangangailangan na pre-treated ang mga nagamit ng healthcare waste.

Sinabi ng kalihim, na maglalabas rin ng guidelines ang DOH kaugnay sa paggamit ng hypochlorite solution para sa infection prevention ng COVID-19.