Dismissal order ng Ombudsman sa mga pulis na sangkot sa maanomalyang paglisensya ng baril, agarang ipinatupad ng PNP 

Kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief P/Dir. Gen. Oscar Albayalde na agarang ipinatupad ng PNP epektibo kahapon ang dismissal order ng Ombudsman sa mga pulis na sangkot sa maanomalyang paglisensya ng mga baril.

Ito’y matapos na hatulan ng guilty ng Ombudsman ang karamihan sa mga aktibong pulis na sangkot sa paglisensya at pag-release sa nasa 1,400 na mga AK-47 rifles na para sana sa dalawang mining company at dalawang security agency pero napunta sa teroristang NPA.

Ang mga opisyal na aktibo sa serbisyo na napatunayang guilty for grave misconduct at serious dishonesty ay sina:  C/Supt. Regino Catiis, Supt. Nelson Bautista, Supt. Ricky Sumalde , C/Insp. Ricardo Zapata Jr., S/Supt. Eduardo Acierto, SPO1 Randy Madiam De Sesto, at non uniformed personnel na si Sol Bargan pawang mga nakatalaga sa Civil Security Group.

Ayon kay PNP Spokesperson S/Supt. Benigno Durana, dalawa sa mga opisyal na kinasuhan sa Ombudsman kaugnay ng kaso na sina C/Insp. Rodrigo Benedicto Sarmiento at NUP Enrique Dela Cruz ay hindi nakitaan ng probable cause at dinismiss ang kaso laban sa mga ito.

Dinismiss din ang admin case laban kina P/Dir. Gil Meneses, P/Dir. Napoleon Estilles at C/Supt. Tomas Rentoy dahil sa lack of disciplinary jurisdiction kasunod ng kanilang pagretiro sa serbisyo.  | ulat ni Leo Sarne