Diskarte ng mga LGUs para dumami ang magpabakuna kontra COVID-19, pinuri ng DILG

Pinuri ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang ilang local government units (LGUs) na gumagawa ng mga diskarte para mahikayat ang publiko na magpabakuna laban sa COVID-19.

Sinabi ni Año, sa ngayon bakuna lang ang maaaring pumigil sa nakahahawang virus at kapag maraming mahikayat na magpabakuna, mas maagang makararaos ang bansa sa pandemya.

Binigyang halimbawa ni Año ang San Luis, Pampanga, na gumawa ng pakulo na “Baka Para sa Bakuna” project.

Magpapa-raffle kada buwan ang LGU ng baka simula sa Hulyo para sa mga residenteng magpapaturok ng bakuna.

May ganito ring gimik sa Sucat, Muntinlupa, na nagpapa-raffle ng 25 kilos ng bigas.

Kabilang din ang Baliwag sa Bulacan, Biñan, Laguna, Taguig, Malabon City, Provincial Government ng Rizal, San Mateo, Rizal, San Quintin, Abra sa mga gumagamit ng ibang diskarte sa pagbabakuna.