Dimple Star Transport sa Edsa-Cubao, tuluyan ng ipinasara

Tuluyan ng ipinasara ngayong araw ng Quezon City local government ang terminal ng Dimple Star Transport sa Edsa-Cubao matapos ang malagim na trahedya sa Sablayan, Occidental Mindoro noong gabi ng March 20.

Personal na dinala ni City Mayor Herbert Bautista ang closure order bilang tugon na rin sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na kanselahin ang prangkisa ng Dimple Star dahil sa kapabayaan sa kanilang operasyon at iba pang paglabag sa mga regulasyon.

Paglilinaw ni Bautista, ang business permit para makapag-operate ang kinansela ng kanilang Business Permits and Licensing Office (BPLO) matapos madiskubre na hindi pa rin compliant ang kumpanya.

Matatandaan noong nakaraang taon, binigyan na ng pagkakataon ang ilang pabayang bus companies sa lungsod na ayusin ang kanilang operasyon batay na rin sa umiiral na kasunduan ng city government, LTFRB at MMDA.

Sa usapin naman aniya ng prangkisa ay LTFRB na ang may saklaw at pasya kung tuluyan na rin itong kakanselahin.

Sunod namang inikot ng composite team ng city hall ang Araneta Center Bus Terminal upang inspeksyunin ang operasyon ng iba’t ibang bus companies sa gitna ng ‘exodus’ ng mga biyahero ngayong Semana Santa.

Matatandaan na labingsiyam ang nasawi habang dalawampu’t isang pasahero ang nasugatan sa pinakahuling aksidente ng Dimple Star Transport ngayong taon.

Lumalabas sa datos ng LTFRB na nasangkot na sa apat na malagim na trahedya ang kumpanya sa nakalipas na limang taon. Itinakda naman ng regulatory agency sa April 18 ang hearing sa posibleng pananagutan ng Dimple Star Transport. | via Shane Juan