DILG, umapela sa mga napalaya sa ilalim ng GCTA na sumuko na para ‘di mapasali sa ikakasang manhunt

Hinihikayat ng Department of the Interior and  Local Government (DILG) ang lahat ng mga napalayang convicted sa heinous crime sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance o GCTA na sumuko na sa loob ng 15-araw para hindi mapabilang sa ikakasang manhunt operation.

Sa inilabas na official statement ng ahensya, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na ito ay bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Duterte hinggil sa mga napalayang mahigit P2,000  preso.

Ang mga susuko ay maaari aniyang magtungo sa pinakamalapit na police station o dumiretso na sa Bureau of Corrections.

Iginiit ng kalihim na ang hindi makatutugon sa 15-day period na panawagang sumuko ay tiyak na makakasali sa manhunt operation target ng PNP pagkat naaayon pa rin sa batas ang muling pag-aresto.

Kaugnay nito’y hiniling na rin ng DILG sa Bureau of Immigration na mag-issue ng look-out bulletin upang matiyak na hindi makalalabas ng bansa ang mga pinaghahanap na crime convicts.