DILG, umaasa na papaboran ng Comelec ang mungkahing magsumite ng resume ang mga kandidato sa Barangay at SK Elections

Muling umapela sa Commission on Elections ang Department of Interior and Local Government na isama sa kanilang susunod na en banc session ang mungkahing obligahin ang mga Barangay at Sangguniang Kabataan candidates na magsumite ng resume sa paghahain ng certificate of candidacy.

Ayon kay DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya, ang mungkahi ng National Citizens’ Movement for Free Elections ay ikinukunsidera ng DILG upang maiangat ang antas ng halalan at magbigay daan sa iba pang mas karapat-dapat na lider sa Barangay at Sangguniang Kabataan.

Una ng inanunsyo ng Comelec na wala na itong sapat na panahon para talakayin at bumuo ng polisiya ukol dito.

Pero naniniwala ang DILG na mahaba pa ang panahon para sa mga Barangay at SK candidate na sumunod sa anumang kautusan ng Comelec dahil sa Mayo 4 hanggang 12 pa magsisimula ang Barangay at SK campaign period.

Paglilinaw pa nito na ang DILG ay hindi magrerekomenda ng format ng mga resume at nasa mga kandidato na kung ano ang gusto nilang ipaalam sa publiko.

Pansamantalang hinimok ng DILG ang lahat ng Barangay at SK candidates na boluntaryo na lamang magsumite ng kanilang biodata at plataporma sa Comelec upang ipakita na sila ay kabilang sa matino, mahusay at maasahang Barangay at SK officials sa hinaharap. | via Rey Ferrer