DILG sa LGUs: Tanggalin ang ban sa processed meat

Ipinag-utos na ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año sa local government units (LGUs) na tanggalin ang ipinatutupad na ban sa pagpasok ng mga processed meat dahil sa African Swine Fever (ASF).

Sa kanyang kautusan, inatasan ang mga LGU na huwag isama sa import ban ang mga processed meat product na may sertipikasyon ng Food and Drug Administration (FDA).

Aniya, hindi mapanganib ang mga canned good.

Ang mga kinatay na karne na pinapa-quarantine ang dapat bantayan, kasunod ito ng pahayag ng Philippine Association of Meat Processors Inc. na aabot sa P50 billion hanggang P60 billion ang nalulugi sa kanila dahil sa ban ng mga lokal na pamahalaan.

Sabi ni Año, layunin ng hakbang na masiguro na hindi magkukulang ng suplay ng processed meat ngayong nalalapit ang panahon ng Kapaskuhan.