DILG OIC-Sec. Año, makikipag-dayalogo sa mga kinatawan ng PNPA matapos ang hazing incident na matagal na umanong ‘tradisyon’ sa loob ng academic institution

Inaasahan na ngayong buwan makikipag-dayalogo si Department of Interior and Local  Government (DILG) Officer-In-Charge Secretary Eduardo Año sa mga kinatawan ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite.

Makakasama ng Kalihim sa pulong ang Regimental Commander ng Corps of Cadets, mga staff, class presidents at maging ang mga senior officials ng PNPA kabilang na ang commandant ng mga kadete.

Ito ay para sa layuning masiguro na maipapatupad ang mga reporma sa loob ng institusyon, at matigil na ang lahat ng ‘tradisyon’ ng pananakit, gaya nang nangyaring hazing incident nitong nakaraang buwan na nagkataong kasabay mismo ng PNPA graduation.

Aalamin din ng dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief ang mga kailangang suporta na maaaring maibigay ng DILG sa PNPA, upang ito ay maging isang ‘world-class academic institution.’

Kaugnay nito, inaprubahan na ni Año ang rekomendasyon ng binuong Board of Inquiry (BOI) na bigyan ng ‘preferential option’ ang nakatalagang uniformed personnel sa PNPA sa sandaling magkaroon ng oportunidad para sa promosyon.

Binigyang diin ng opisyal, na dapat italaga aniya ang ‘best and brightest’ public safety officers sa PNPA, at dapat mabigyan sila ng dagdag puntos sakaling tanggapin nila ang hamon.

Iminungkahi rin ng BOI, na magsagawa ng polisiya ang kalihim ng DILG na gawing Table of Organization (TO) ang posisyon ng mga yunit sa ilalim ng Philippine Public Safety College (PPSC).

Mas gusto umano ng mga uniformed personnel na maitalaga sa field o labas sa halip na magsanay ng mga kadete, dahil hindi naisasama ang mga ito sa promotion opportunities kaya naman hindi na nakapagtataka kung apat lamang ang unipormadong opisyales ng PNPA Cadet Affairs Office (CAO). | via Shane Juan