DILG, nakikipagtulungan sa gov’t agencies, private cos. para sa patuloy na clearing ops

Pursigido ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na pasiglahin pa ang tuloy-tuloy na clearing operations ng local government units (LGUs) sa buong bansa.

Ito’y matapos ianunsyo ng DILG na maglalabas uli ito ng bagong memo circular para sa LGUs at quarterly validation na utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, bukod sa LGUs, nakipagtulungan na rin ang ahensiya sa iba pang government agencies at private companies sa pagsunod sa direktiba ng Pangulo.

Para makatulong na mapaluwag ang trapiko kapag may road accidents, nakipag-ugnayan na ang DILG sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Insurance Commission, Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police (PNP) para sa paggamit ng accident investigation report bilang alternatibo sa police report sa mga minor accidents.

Nag-isyu na rin ng department order ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa  cutting permits na gagamitin sa  pagputol ng mga puno na sagabal sa mga kalsada na gagawin lamang sa loob ng tatlong araw.

Bukod dito ang pakikipag-ugnayan ng DILG sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Meralco at electric cooperatives para mapabilis ang transfer ng mga electric post na naiwan sa mga kalsada matapos ang widening projects.

Iminungkahi na rin ng ahensiya  ang paggamit  ng “common-post system” ng  Meralco, PLDT, Globe at iba pang  utility companies para mabawasan ang dami ng bilang ng mga poste sa sidewalks.

Simula sa Disyembre, magkakaroon muli ng  quarterly validation sa  road clearing efforts ng lahat ng  LGUs.