DILG monitoring teams, ikakalat para masiguro ang maayos na halalan at turn-over sa mga nanalong kandidato

Naghahanda na ang Department of Interior and Local Government (DILG) monitoring teams sa lahat ng regional, provincial, at city field offices ng DILG para subaybayan ang pagdaraos ng Barangay at SK Elections sa darating na Lunes.

Ito ang inihayag ni DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya sa Joint DILG-PNP press conference sa Camp Crame kahapon.

Ayon kay Malaya, may inilabas ng memorandum si DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin DiƱo na nagtatakda ng mga tungkulin ng mga DILG monitoring teams sa araw ng botohan at pagkatapos ng halalan.

Kabilang aniya sa mga responsibilidad ng mga team ay siguruhin na ang lahat ng mga incumbent barangay official ay sumunod sa lahat ng kaukulang alituntunin sa eleksyon.

Ang mga team ay magsasagawa ng 24-hour monitoring sa halalan at agarang makikipag-coordinate sa PNP para sa lahat ng uri ng election-related incidents.

Pagkatapos ng halalan, ang mga team ang magri-report sa DILG ng mga nanalong kandidato, mga barangay na may failure of elections, at mga lugar na walang nahalal.

Tungkulin din ng mga team na tiyakin na magkaroon ng proper turnover ang mga incumbent barangay officials sa mga nanalong kandidato at mailipat ang lahat ng property at records ng barangay sa mga bagong opisyal. | via Leo Sarne