DILG, mayroon pang hanggang katapusan ng Agosto para ipatupad ang suspension order sa alkalde ng San Ildefonso, Bulacan

Natanggap na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang kautusan ng Office of the Ombudsman para ipatupad ang 9-month suspension ni San Ildefonso, Bulacan Mayor Paula Carla Galvez-Tan.

Sumasailalim na ngayon sa proseso ng DILG Legal Department ang suspension order at mayroon itong 30 araw hanggang Agosto 30 para isilbi sa alkalde.

Si Mayor Tan ay inireklamo sa Office of the Ombudsman ng kasong ‘simple misconduct’ at ‘conduct prejudicial to the best interest of the service’ ng kanyang bise-alkalde at apat na konsehal noong 2016.

Sa complaints affidavit nina Bise-Alkalde Luis Sarrondo at mga konsehal na sina Alexander Galvez, Eriberto Magbitang, Roderick Salvador at Edgardo Vergel, sumugod anila ang alkalde sa gitna ng budget hearing ng municipal council noong Oktubre 18, 2016 at pinagsisigawan si Councilor Vergel.

Iginigiit ng alkalde sa konseho na pabilisin ang pagpasa sa 2017 budget ng bayan ng San Ildefonso kahit hindi na masunod ang tamang proseso.

Katwiran naman ng alkalde na naka-recess ang sesyon nang siya ay lumapit at wala umano siyang intensyong magpakita ng kawalang-respeto sa konseho pero hindi ito pinaniwalaan ng Ombudsman.

Pirmado pa ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales ang siyam na pahinang desisyon ng anti-graft body na nagpataw ng suspension sa alkalde.  | ulat ni Rey Ferrer