DILG, magde-deploy pa ng mga pulis sa mga public market para sa physical distancing 

Ipinag-utos na ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang deployment ng karagdagang pulis at force multipliers sa mga public market sa Metro Manila at iba pang urban centers sa buong bansa.

Nais ng kalihim na higpitan pa ang pagbabawal sa mass gatherings at physical distancing.

Naglabas ng direktiba ang DILG bunsod ng dumadaming ulat na paglabag sa kabila nang umiiral na community quarantine procedures.

Sinabi pa ni Año na masasayang lang ang tatlong linggo ng pagpupursige ng gobyerno sa paglaban sa COVID-19 kung hahayaan ang publiko na patuloy na suwayin ang ECQ at hindi sumunod sa physical distancing protocols.

Base sa huling datos ng PNP, abot na sa 108,088 individuals ang nahuli sa buong bansa dahil sa paglabag sa Enhanced Community
Quarantine.

Sa kabuuang bilang, 76,989 ang binigyan lamang ng warning at 4,969 ang pinagmulta habang ang 5,539 ang nasampahan na ng kaso.

Nasa 20,591 indibidwal ang pinalaya habang pending ang pagsasampa ng kaso sa Department of Justice.