DILG, kampante na mapalakas pa ang information campaign para sa Pederalismo

Nangako ang halos 17,000 city and municipal councilors sa buong bansa na tutulong na sa Department of Interior and Local Government (DILG) sa pagpapalaganap ng impormasyon tungkol sa usapin ng Pederalismo.

Ayon kay DILG OIC Secretary Eduardo Año, ito ang tugon ng Philippine Councilors League (PCL) matapos magpahayag ng suporta sa adbokasiya ng pamahalaan na palitan na ang kasalukuyang sistema ng pamamahala tungo sa Pederalismo.

Sinabi pa ni Año, ang public awareness ay susi para lalong makumbinsi ang taumbayan na iboto ang Pederalismo sa plebisito sa susunod na taong 2019.

Aniya ang PCL, na may miyembro na aabot sa 16,764 councilors sa buong bansa ay nangako na bubuo ng mga batas at ordinansa na magsusulong ng pederalismo sa mga komunidad.

Inaasahan na rin ng DILG ang ipapakitang suporta ng Union of Local Authorities of the Philippines sa susunod na Linggo para tulungan ang DILG sa information drive nito sa Pederalismo sa buong bansa. | ulat ni Rey Ferrer