DILG, dinagsa ng halos 60,000 na reklamo sa ECQ cash aid

Dinagsa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng halos 60,000 na reklamo, na pawang may kaugnayan sa cash aid na ipinagkakaloob ng pamahalaan sa mga mamamayang apektado ng enhanced community quarantine (ECQ), na ipinairal sa NCR Plus bubble areas mula March 29 hanggang April 11.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, sa kabuuang 59,669 reklamo na kanilang natanggap 24,421 ang naresolba na, habang 39,781 pa ang under deliberation, kabilang na ang ilang nai-endorso sa concerned agencies.

Sinabi ng kalihim, target nilang maresolba ang lahat ng naturang reklamo bago sumapit ang May 15 extended deadline, para matapos ang distribusyon.

Matatandaang P22.9 bilyon ang inilaan ng pamahalaan, bilang financial assistance sa mga residenteng apektado ng ECQ sa NCR Plus bubble areas, na kinabibilangan ng National Capital Region, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.

Sa ilalim ng programa, bawat residenteng naapektuhan ng ECQ ay dapat makatanggap ng P1,000 o maximum na P4,000 kada pamilya.

Sinabi ng DILG chief, sa ngayon ay 74.35 percent na ng halaga ang natapos nang ipamahagi sa mahigit 17 milyong indibidwal.

Mayroon na lamang hanggang May 15 ang mga local government unit, na tapusin ang distribusyon ng cash aid.

Matatandaang una nang nagtatag ang DILG ng Joint Monitoring and Inspection Teams, na siyang tutugon sa mga reklamo at hinaing ng mga residente na may kinalaman sa financial aid.