Digitalization, magpapabilis sa pag-ahon ng mga nasalanta ayon sa isang senador

Naniniwala si Senador Panfilo Lacson na ang digitalization ng mga serbisyo sa gobyerno ang susi upang mapabilis ang pagtugon ng mga ahensya ng pamahalaan sa iba’t ibang hamon gaya ng pandemya at pananalasa ng bagyo. 

Ayon sa senador, bukod sa pagiging solusyon para maging epektibo ang pagtulong sa mga mamamayan ay makakapag-alis rin aniya ito ng katiwalian. 

Sinabi ni Lacson na sa pamamagitan ng pagpapalawak ng communication infrastructure ay mapapalakas ang mobile at internet connectivity sa bansa, magkakaroon ng interoperability sa sistema ng mga ahensya ng pamahalaan at maiaayos ang database ng National ID system.

Giit ng mambabatas, kung digitalized ang mga serbisyo ng nasa gobyerno, walang mangyayaring human intervention o pagkontrol ng isang indibidwal o organisasyon na nagiging dahilan ng korapsyon. 

Sa ganitong paraan rin aniya ay mababantayan agad ng mga Pilipino ang mga proyekto ng gobyerno gaya ng kung paano ginagastos ang pondo ng bayan at kung ano ang benepisyo nito para sa lahat.