DICT, sinisikap na maibalik sa normal ang operasyon ng mahigit 100 gov’t websites

Sinisikap na ng pamunuan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na maibalik sa normal ang operasyon ng mahigit sa 100 government websites kasunod nang naranasang ‘hardware failure’ ng ahensya.

Sa interbyu ng Radyo Pilipinas kay Undersecretary for Special Concerns Eliseo Rio na tumatayo ring acting secretary ng DICT, nagpadala na umano ng isang team ang IBM Philippines upang ayusin ang problema sa kanilang sistema.

Kanina pa aniyang alas-3:00 ng madaling araw hindi ma-access ang iba’t ibang website ng gobyerno kabilang na ang ilan dito gaya ng MalacaƱang at BIR websites.

Sabi pa ni Usec. Rio na inaasahang sa linggong ito ay posible nang ma-access muli ng publiko ang malalaking website ng gobyerno na apektado pa sa mga sandaling ito.

Samantala, sa hiwalay naman na panayam, kinumpirma ni DICT Assistant Secretary Alan Silor na nagsasagawa na ng ‘troubleshooting’ ang kanilang technical team.

Hindi pa aniya tukoy kung anong partikular na hardware ang nasira at kailangang palitan sa lalong madaling panahon.

Sa oras na ma-determina ito, agad aniyang bibilhin ng DICT ang piyesa sa pamamagitan ng tinatawag na ’emergency procurement.’ | ulat ni Shane Juan