DICT, pumasok sa isang kasunduan sa Kaspersky upang itaas ang kapabilidad ng publiko sa cybersecurity

Lumagda sa isang Memorandum of Understanding (MOU) ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at Kaspersky Lab, isang global cybersecurity company, sa ginanap na Philippine International Cybersecurity Conference (PICC) Huwebes, sa Grand Regal Hotel lungsod ng Davao.

Ayon kay Kaspersky Managing Director Stephan Neumeier, layon ng kasunduang ito na palakasin ang kanilang commitment upang tugunan ang hamon ng information security sa local public sector agencies bilang suporta sa national cybersecurity framework ng Pilipinas.

Sinabi ni Neumeier, sa ikalawang quarter na cyber report ng Kaspersky Lab, pang siyam ang Pilipinas sa buong mundo na pinakamadalas na inaatake o mataas ang banta ng online hacking.

Aabot sa 10.6 million ang naitalang web infections online sa bansa, kung saan 39% ng pag-atake ay laban sa individual internet users habang 11% naman ang sa negosyo.

Tiwala naman si Asec. Allan Cabanlong ng DICT na malaking tulong ang kumpanya sa gobyerno sa ibinabahagi nitong bagong pananaw, at malalimang kaalaman sa cyber threats.

Ilan sa nakasaad sa MOU ay ang pagtatatag ng training programs para sa DICT at public sector agencies, at pagsuporta sa cyber security awareness drive ng bansa kaugnay sa online security para sa mga organisayon at indibiduwal. | ulat ni Dang Sabdani