DICT: Mabilis na internet connection, matutupad

Tiniyak ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na matutupad ang pangako ng ahensya na mabilis na internet connection.

Ayon kay DICT Secretary Gringo Honasan, ligtas na connection at libre sa bawat Pilipino ang layon nilang ipagkaloob, dahil ito ang marching order ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Nakatakdang ilatag ang programa, na aabot maging sa mga naninirahan sa liblib na lugar.

Target ng DICT ang fiber optics o mas mabilis pang uri ng kagamitan para sa internet connection.

Binanggit din ni Honasan, na may ilang telecommunication companies nang lumapit sa kanila at nagsabing magbibigay muna ng libreng broadband kasabay ng pangako ng kita sa hinaharap.

Ito rin aniya ang magsisilbing long-term commitment, kung saan sa 200 mbps na wifi spots sa Bicol, itataas ito sa 1,000 mbps bago matapos ang taon.