DFA sa DOH at Embahada sa Japan: Bakunahan na ang prized gymnast na si Carlos Yulo

Umapela si Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. sa Department of Health (DOH) at Philippine Embassy sa Tokyo, na tulungan ang prized gymnast na si Carlos Yulo, na mabakunahan kontra COVID-19 bago sumabak sa Olympics sa Japan.

Sa isang post sa social media, nanawagan si Locsin, na bakunahan na si Yulo at ang kanyang coach na si Munehiro Kujimiya.

Hindi kasi nakarating sa Manila Prince Hotel ang atleta para sa vaccine rollout ng Olympic, at Southeast Asian Games-bound athletes dahil isang taon na siyang nagsasanay sa Japan.

Hindi malinaw kung sino ang humiling kay Locsin na bakunahan ang gold medalist.

Ngunit noong nakaraang linggo, ay sinabi ni Gymnastics Association of the Philippines President Cynthia Carrion, na hindi niya pinahintulutang magpabakuna si Yulo sa ngayon dahil maaaring makaapekto umano ito sa kanyang training.

Kabilang sa mga sumalang sa vaccination sa Manila ay ang mga atleta, coaches, officials at journalists, na magtutungo sa dalawang international sporting events.